Ikaw na hindi na malilimutan
Isa sa di ko makakalimutan
Yung araw na mahangin sa mag damuhan
Nililipad pa ng indayog nito ang hibla ng iyong buhok
Ang ganda mo pagmasdan sa suot mong ngiti habang nagsusulat ka ng kung ano sa sulok ng iyong pluma
Iba ang pangyayaring ito sa tanang buhay ko
Panigurado,maisusulat ko na naman ang mundo kong tinatanaw ang sa'yo
Kung saan naman nakikinikinita ko ang pagsulyap mo sa dako niya
Hindi na nakapagtatakang siya ang laman ng dasal mo— katulad ko na ikaw naman ang asam
Maghihintay na lang ako,
Maaring sa'yo o sa kung kaninong aninong matipuhan ko
Darating naman ang araw na hindi na natin kailangang saktan ang isa para lumigaya
Dahil gigising tayo sa ngiti ng ating sinisinta
Kahit anong mangyari,hinding-hindi kita kakalimutan
Depende nalang kung ikaw pa rin ang nais maalala bago mabagok at makalimot nang tuluyan
Gayunpaman,may espasyo ka na sa tumitibok na bagay sa dibdib ko
Para kung sakali man,kung sakali lang at sana hindi naman
Mabagok ka at magising na ako ang hinahanap sa di kalayuan
Pasensya,nangangarap na naman at mangangarap lang din naman
Hayaan mo muna akong sumaya dahil lulubos-lubusin ko lang
Ikaw at ako nakahiga sa damuhan,nakatitig ka sa mga tala at buwan
Pag-aaralan ko naman ang iyong bawat sulok,kurba,pekas,peklat at mamahalin ang iyong kabuuan
Kakabisaduhin,iuukit,itatatak,isusulat,iguguhit ka
Upang sa oras na gisingin pa ko ng realidad
Maikekwento ko sa mga papel at iiyak na naman ang mga panulat
Sa isa na namang litaniya ng bigong ako sa isang ikaw na hindi ko na pwede pang makalimutan.
Comments
Post a Comment